San Lorenzo Ruiz de Manila Parish

 Pleasant Hill Subdivision, City of San Jose del Monte, Bulacan, Philippines       Tel. No.:  044-7690585

Church Talk Post New Entry

Alin ang higit na mahalaga? (Homily for the 16th Sunday in Ordinary Time

Posted by Jose Luis Perez on July 22, 2013 at 2:10 AM
Minsan may isang motorista ang naglakbay. Sa kaniyang paglalakbay, may nadaanan siyang isang Gasoline Station. Nabasa niya ang nakapaskil sa Gasoline Station, nakalagay doon: “We render good service for our costumers.”Dahil dito, siya ay nagpasya na dumaan sa nasabing Gasoline Station upang magpakarga ng gasolina. Habang siya ay papasok pa lamang sa Gasoline Station, agad niyang nakita na kumilos at tumayo agad ang mga Gasoline Attendant at siya ay nginitian at kinawayan. Nang siya ay naka hinto na, agad lumapit sa kaniya ang unang gasoline attendant at ang sabi sa kaniya, “Goodmorning sir, ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo? Gusto nyo po ba na linisin ko ang windshield ng inyong sasakyan? Pupunasan ko po ang salamin ng inyong sasakyan upang ito ay luminaw at luminis. Sumagot ang motorist at ang sabi, sige, mainam yan, para luminaw ang salamin ng aking sasakyan. Maya-maya pa ay lumapit ang ikalawang gasoline attendant, kinausap siya at ang sabi, “sir, gusto nyo po ba na i-check ko ang tubig sa radiator ng inyong sasakyan? Titignan ko po kung ito ay nasa tamang level pa, at kung kulang ay aking lalagyan.” Pumayag ang motorist sapagkat alam niya na malayo-layo pa ang kaniyang lalakbayin. Maya-maya ay lumapit naman ang ikatlong gasoline attendant at ang sabi, “sir, gusto nyo po ba na i-check ko ang hangin ng inyong mga gulong? Tignan po natin kung ito ay taman ba sa sukat.” Muli ay pumayag ang motorist. Ilang minuto pa ang lumipas, natapos na ang ginawa ng tatlong gasoline attendant, at dahil dito, natuwa ang motorista sa sa kanilang ginawa. At binigyan sila nito ng tip, saka ito umalis. Makaraan ang ilang minuto, muling bumalik ang motorist, tinawag at kinausap ang tatlong gasoline attendant. Sinabi niya sa kanila, “maganda ang ginawa ninyong serbisyo kanina, ngunit may nakalimutan kayong gawin, nalimutan nyo na lagyan ng gasolina ang aking sasakyan. Ito pa naman ang dahilan kung bakit ako nadaan dito sa inyong Gasoline Station.”
 
Mga kapatid, sa ating Ebanghelyo sa Linggong ito, ipinapaalala sa atin ng ating Panginoon na kinakailangan na bigyan natin ng sapat na pagpapahalaga ang mga bagay na higit na importante sa ating buhay. Kinakailangan na hindi natin makalimutan ang mga bagay na higit na mahalaga sa ating buhay.
 
Sa Ebanghelyo, natunghayan natin, si Jesus ay nagpunta sa isang nayon. At sa pagpasok Niya sa nayong iyon, siya ay tumuloy sa bahay ng kaniyang mga kaibigan niyang sina Marta at Maria. At tulad sa ating kaugalian, kapag tayo ay may inaasahang bisita sa ating mga tahanan, tayo ay naghahanda at nag-aayos. Sa ating mga Pilipino, dahil nga sa tayo ay kilala sa pagiging hospitable, nakaugalian na natin na kapag may darating na bisita, kinakailangan ay makapag handa tayo. Inihahanda natin at nililinis ang ating mga tahanan. Ang mga nakakalat na abubot at dapat na iligpit at itabi. At syempre, kinakailangan din ay may nakahandang pagkain na ating pagsasaluhan. At ang iba pa nga ay nagpapa-ayos pa ng kanilang sarili. Kailangan ay maganda at gwapo sila, ung iba ay nagpapa parlor pa, at ang iba ay bumibili pa ng magandang damit. Ito marahil ay sa kadahilanang, nais natin na maging presentable tayo, at maging komportable ang ating bisita.
Kaya nga, ganito rin ang nangyayari sa ating Ebanghelyo. Naging mainit din ang pagtanggap ni Marta at Maria sa pagdating ni Jesus sa kanilang tahanan. Kaya nga, tulad ng nasaad sa ating Ebanghelyo, si Marta ay abalang-abala sa paghahanda. Abala siyia marahil sa pag-aayos sa kanilang tahanan, sa paghahanda ng mga maaaring kailanganin ni Jesus, paghahanda ng mga pagkain para kay Jesus. Sa kabilang banda, habang si Marta ay abala sa maraming bagay, nakita niyang ang kaniyang kapatid na si Maria ay naroon lamang sa tabi ni Jesus, naka-upo sa paananan nito, at nakikinig lamang sa kaniya. Kaya nga, kinausap ni Marta si Jesus upang masabihan ang kaniyang kapatid na siya ay tulungan sa paghahanda. Ngunit ano ang sagot ni Jesus? Sabi ni Jesus, ang sabi ni Jesus, “Pinili ni Maria ang higit na mahalaga, kaya ito ay hindi aalisin sa kaniya.” Dahil sa pananalitang ito, makikita natin, mas kinalulugdan ni Jesus si Maria.
Bakit nga ba ang kinalugdan ni Jesus ay si Maria, gayong itong si Marta, simula pa lamang na dumating Siya sa tahanan ng mga ito, ay abalang-abala sa paghahanda at pagsasa-ayos ng mga bagay-bagay na maaaring gamitin ni Jesus?
Kung tutuusin, tama naman ang ginawa ng magkapatid. Tama lamang na bigyan ng mainit na pagtanggap ang pagdating ni Jesus sa kanilang tahanan. At tulad nga ng naka-ugalian ng mga Hudyo, ang mga kababaihan, sila ang mga naaatasan na maglingkod sa kanilang pamilya, mga kaibigan, at maging ang mga bisita nila. Kaya nga, tama naman ang ginawa ni Marta. Dapat lamang na ipaghanda niya si Jesus. Ngunit sa kabilang banda ay may punto din naman ang ginawa ni Maria. Hindi ba’t kapag tayo ay may tatanggaping bisita sa ating tahanan, hindi ba’t kinakailangan, kapag dumating na ang bisita, dapat ay may isang tao din na kakausap, mag-eentertain at makikipag huntahan sa bisita. Ngunit, sang ayon sa tradisyon at kaugalian ng mga Hudyo, ang ganitong gawain ay hindi na sakop ng gawain ng mga kababaihan. Ang mga humaharap sa mga bisita, ang mga nakikinig sa mga nagtuturo, ‘yon ay para sa mga kalalakihan na. Hindi na ito sakop ng gawain ng mga kababaihan.
Sa puntong ito, ang kinalugdan ni Jesus aay si Maria, sapagkat mas mahalaga pa rin ang ginawa ni Maria. Bakit? Sapagkat sa pagdalaw ni Jesus sa kanilang tahanan, hindi naman niya hangad na siya ay bigyan nila ng magarbong pagdating. Hindi rin naman niya hangad na siya ay kanilang paglingkuran ng husto. Ngunit ang hangad marahil ni Jesus, sa kaniyang pagdalaw sa kanila, ay ang siya ay mapakinggan.
Mga kapatid, marami tayong pinahahalagahan sa ating buhay. Nariyan na pinapahalagahan natin ang ating hanap-buhay. Mahalaga sa atin ang ating trabaho. Mahalaga sa atin ang ating pamilya. Mahalaga sa atin ang pag-aaral. Pero ito na nga lamang ba ang dapat natin pahalagahan sa ating buhay?
Tama poi yon. Dapat ay pahalagahan natin an gating trabaho o ang ating hanap-buhay. Dapat din na ating pahalagahan ang ating pamilya. Dapat ay bigyan din ng sapat na pagapahalaga ang pag-aaral. Pero huwag nawa nating kalilimutan na pahalagahan ang higit na importante sa ating buhay. At iyon ay ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos.

Kadalasan, ito ang nagiging problema sa buhay ng tao, madalas ay pinahahalagahan ang ibang bagay, kaysa sa higit na mahalaga. Kung minsan ay sasabihin, “mula lunes hanggang sabado, ako ay pumapasok sa trabaho. Bakit pa ako aalis ng Linggo at magsisimba eh ito na lamang ang araw ng pahinga ko.” O kaya naman ay sasabihin ng iba, “hindi ko maiwan ang aking hanap-buhay, Linggo kasi ang pinaka mabentang araw sa aking tindahan.” O kaya naman, sasabihin halimbawa ng mga kabataan, “mula lunes hanggang biyernes ay pumapasok ako sa eskwela, nag-aaral,kung minsan ay papasok pa kahit sabado, kailangan na ang araw ng Linggo ay ituon ko naman sa pagpapahinga, kailangan makabawi din ako ng tulog.”

Mga kapatid, walang masama na bigyan ng pagpapahalaga ang mga bagay na ito. Ngunit huwag naman natin baliwalain ang higit na mahalaga sa buhay natin bilang mga Kristyano. Huwag nawa natin kalimutan at isantabi ang pagsisimba at pagdarasal sa ating Panginoon. Sapagkat ito ang higit na mahalaga.

Mga kapatid, tulad ni Maria, mapahagalahan nawa natin ang higit na importante sa ating buhay. Bigyan nawa natin ng sapat na panahon, atensyon, at oras ang mahalagang gawain ng pagsamba at pananalangin sa ating Panginoon. Amen

 

Categories: From the Priest's Desk

Post a Comment

Oops!

Oops, you forgot something.

Oops!

The words you entered did not match the given text. Please try again.

You must be a member to comment on this page. Sign In or Register

0 Comments