San Lorenzo Ruiz de Manila Parish

 Pleasant Hill Subdivision, City of San Jose del Monte, Bulacan, Philippines       Tel. No.:  044-7690585

Church Talk Post New Entry

Pamantayan sa Pagbibigay (Homily on the 32nd Sunday in Ordinary Time, Year B)

Posted by Jose Luis Perez on November 12, 2012 at 2:40 AM

Minsan sa isang malayong probinsya, may isang lola na talaga namang napaka alab ng kaniyang pagnanais na palagiang makapagsimba. Araw-araw, hangad ni lola na siya ay makapunta sa Simbahan upang makapag simba. Ngunit ng medyo tumatanda na si Lola, nahihirapan na siyang magpunta sa simbahan lalo na kung siya ay nag-iisa lang. Kaya nga umisip si lola ng paraan upang mahikayat niya ang kaniyang kaisa – isang apo na samahan siya sa pagsisimba tuwing umaga. At ang naisip ni lola upang mahikayat niya ang kaniyang apo, ay bigyan ng pera ang bata sa tuwing sila ay magsisimba.

Kaya nga araw-araw ay ginigising ni lola ang kaniyang apo, binibigyan niya ng pera ang bata at sila ay magsisimba. Sa tuwing binibigyan ni lola ng pera ang kaniyang apo, laging ang bilin niya sa apo ay, “Apo, heto ang dalawang limang piso, tandaan mo, ang isang limang piso ay ihuhulog mo sa kolekta ng simbahan, at ang isa naman ay para sa iyo.” Araw-araw ay ganoon ang ginagawa ng mag lola. Gigising sila ng maaga at sila ay pupunta sa Simbahan.

Isang araw, dahil nga si Lola ay tumatanda na, siya ay nagkasakit at hindi na niya kayang magsimba sa araw na iyon. Kaya nang gisingin niya ang kaniyang apo, sinabihan niya ito na siya na lamang muna ang magsimba. At gayon nga ang nangyari, bumangon ang bata, nagbihis at nang siya ay paalis na, ibinigay sa kaniya ni lola ang pera. Ang bilin ni lola, tandaan mo, ang isang limang piso ay para sa kolekta ng simbahan, ang isa naman ay para sa iyo.”

Lumakad ang bata papunta sa simbahan at habang siya ay naglalakad, dahil sa mejo pupungas pungas pa ang bata, hindi niya nakita na may kahoy pala sa kaniyang dadaanan. Hindi niya ito napansin kaya’t siya ay napatid sa kahoy na ito. Dahil dito, nabitawan ng bata ang isang limang piso na kaniyang hawak. At kitang-kita ng bata kung paanong ang limang piso ay nagpa gulong-gulong hanggang sa ito ay na-shoot sa butas ng kanal. At sinilip pa ng bata, at kitang kita niya na ang kaniyang limang piso ay naroon at nahulog sa kanal. Umiyak ang bata sapagkat hindi niya alam ang kaniyang gagawin. Nasabi niya sa kaniyang sarili, “Naku, paano na ang gagawin ko, nahulog ang isang limang piso. Kawawa naman si Lord, nawalan ng Limang piso.”


Madalas sa buhay ng tao, isa sa pinaka mahirap gawin ay ang magbigay. Madalas sa buhay natin, hirap na hirap tayong magbigay. Kaya nga madalas ay sinasabi natin, “kakainin ko na lang, isusubo ko na lang, bakit ko pa ibibigay sa ibang tao.” O kaya naman, sa buhay ng mga magulang, kapag may isang tao na humihiram sa kanila ng pera, ang sasabihin ay, “pambayad na lang ng tuition fee ng anak ko, at pambayad na lamang sa kuryente ang pera ko, bakit ipahihiram ko pa sa iba.”

Nahihirapan tayong magbigay sapagkat madalas ay iniisip muna natin ang ating sarili. Sa pagbibigay o pagtulong, iniisip muna natin ay ang ating sariling kapakanan, bago tayo tumulong at magbigay. We tend to think first of ourselves, before we extend help to others. Kung tutuusin, wala namang masama dito. Normal naman sa buhay na isipin muna ang sariling kapakanan, bago isipin ang pangangailangan ng kapwa.

Ngunit sabi nga ng isang kasabihan, “It is better to give, than to receive.” Higit na mainam ay ang magbigay, kaysa ang tumanggap. Mas kinalulugdan ng Diyos ang tao na nagbibigay, kaysa sa taong umaasa na lamang lagi sa ibibigay ng iba.

Sa ating mga pagbasa sa Linggong ito, ito ang malinaw na mensaheng nais ipabatid sa atin ng ating Panginoon. Mahalaga ang pagbibigay. Sa Unang Pagbasa, natunghayan natin ang tagpo kung saan si Propeta Elias ay papasok sa bayan ng Sarepta at doon ay nakita niya ang isang babaeng balo na namumulot ng mga sanga ng punong kahoy upang magamit na panggatong. At dahil sa paglalakbay na ginawa ni Propeta Elias, siiya ay napagod, nauhaw at nagutom. Kaya nga ang sabi niya sa babaeng balo ay, “maari bang makahingi ng inumin….at kung maaari din ay samahan mo na ng makakain.” At kung ating mapapansin, sa sagot ng babaeng balo na, “kaunting harina na lamang po at kapatak na langis ang mayroon kami. At ito ay lulutuin ko upang mayroon man lamang kaming makain ng anak ko, bago kami mamatay.”

Samakatuwid, ang babaeng balo na ito ay tunay na walang-wala na. Ang tanging pagkain na mayroon sila, bagama’t ito ay halos kakarampot na lamang ay ibinahagi pa rin niya kay Propeta Elias. Kaya nga, dahil sa pagbibigay na ginawa ng babaeng balo, sinasabi sa Unang Pagbasa na, “hindi na naubos ang harina sa lalagyan, at ang langis ay hindi na natuyo.” Dahil sa kabutihang loob at pagbibigay ng babaeng balo ng kakaunting mayroon siya, siyia ay kinalugdan ng Panginoon at siya ay tunay na pinagpala.

Sa ating Ebanghelyo, si Jesus ay naupo sa tabi ng lalagyan ng handog sa Templo. At doon ay pinagmasdan ni Jesus ang mga taong naglalagay ng kanilang handog. Dalawang uri ng tao ang nakita ni Jesus na naghahandog sa temple. Ang una ay ang mayayaman na sinasabing naglagay ng kanilang handog na kalabisan lamang sa kayamanan na mayroon sila. Ang kanilang ibinibigay na handog sa temple bilang handog ay halos maliit na porsyento lamang. At ang ikalawang uri ng tao na naghandog sa temple ay ang mahirap na katulad ng babaeng balo. Maliit lamang ang ibinibigay sa temple bilang handog. At ang babaeng balo ay naghandog lamang ng dalawang kusing o halos katumbas lamang ng isang salapi. Maliit ang handog ng babaeng balo, ngunit tulad ng sinabi ni Jesus sa Kaniyang mga alagad, mas higit ang babaeng iyon na nagbigay ng munting handog, kaysa sa mga mayayaman na nagbigay bga ng malaking handog ngunit sobra lamang iyon sa mga lumalabis sa kanilang kayamanan.

Sa pagbibigay, ito man ay para sa Diyos o para sa kapuwa, higit na mainam na ating tandaan na ang pamantayan o sukatan ng Diyos ay hindi kung ano ang ating ihahandog. Hindi titignan ng Panginoon kung magkano ang halaga ng iyong handog. Hidi rin Niya titignan kung gaanong ikaw ay naghahandog. Ang titignan ng Panginoon ay kung paanong ikaw ay naghahandog. Walang kabuluhan ang gagawin mong paghahandog kung ito naman ay hindi bukal sa puso mo. Magbigay ka man ng malaking halaga o mamahaling regalo sa Diyos o sa iyong kapwa, kung ito naman ay ibinibigay mo ng hindi bukas sa puso, mawawalan ito ng kabuluhan. Ngunit kung ikaw ay magbibigay, gaano man kaliit na handog sa Diyos o sa iyong kapwa, kung ito naman ay ibinigay mo na nagmumula sa puso, ito ay higit na kalulugdan ng Panginoon. Tandaan natin: ANG TUNAY NA SUKATAN NG PAGBIBIGAY AY HINDI SA KUNG ANO AT GAANO KA NAGBIBIGAY. ANG TUNAY NA SUKATAN NG PAG BIBIGAY AY KUNG PAANONG IKAW AY NAGBIBIGAY. Amen.

 

Categories: Reflections of the Soul, From the Priest's Desk

Post a Comment

Oops!

Oops, you forgot something.

Oops!

The words you entered did not match the given text. Please try again.

You must be a member to comment on this page. Sign In or Register

1 Comment

Reply Emily G. Sequeira
5:57 AM on November 12, 2012 
Maraming salamat sa pagbabahagi at pagbibigay mo ng iyong homily!